Karanasan ko sa pilahan sa DFA

Saturday, August 9, 2008

Isang araw naisip ko, "kukuha kaya ako ng passport?" Baka sakali kasi may pagkakataon ako na makapag-pangibangbayan, medyo napapaisip na din na magbaka-sakali sa ibang bansa. Sa katunayan, nakapagsulat na ako ng post sa kalituhan kong ito.

Wala naman talaga akong balak na umalis para magtrabaho sa ibang bansa. Kahit nuon pa, naisip kong dito lang ko sa Pilipinas maninilbihan. Pero ano kaya kung magbago ang isip ko, e di, mas mabuti nang maging handa. Kaya gusto kong kumuha ng passport.

Nitong nakaraang Biyernes, pumaroon ako sa opisina ng DFA sa lungsod ng Davao. Mga alas kwatro pa lang yun ng umaga at mataas na ang pila. Kasama ko ang boypren ko, sa bilang niya mga nasa ika-120 kami. Alas otso pa ang bukas ng opisina pero nandoon na kami kahit madilim at malamig pa ang paligid. Napagtantiya ko, ang dami pala talagang Pilipinong nais makapagtrabaho sa abroad, biruin mo, kung araw araw ganoon kahaba ang pila, aba hindi ko na kayang gamitin ang aking mga kamay at paa sa pagbibilang dahil sa sobrang dami.

Dahil palakaibigan naman ako, minarapat kong kausapin paminsan-minsan ang aking mga katabi. Ilang oras pa naman din kaming nakikipagsiksikan sa maliit na ispasyo para makatiyak lang na maproseso ang aming mga dokumento. Halos karamihan sa kanila Muslim, galing pa sa malalayong pook sa Mindanao, tulad ng Cotabato, Davao Oriental at kung saan-saan pa. Babae at lalaki, bata at medyo matatanda na. Ang daming gustong mamasukang katulong at kung anu-ano pa. Oo nga naman ang hirap makahanap ng disente at matinong pagkakakitaan dito sa Pilipinas, lalo na kung mababa lang ang pinag-aralan.

Noong mga bandang nag-uumaga na, nung nabalot na ng liwanag ang buong paligid, bigla na lamang kaming nagtaka. Tila mukhang dumaming bigla ang mga nauuna sa amin. Aba, medyo nakakainis din pala. Pero hindi na ako nagtaka. Tayo na yata ang isa sa mga pinaka walang disiplinang lahi sa buong mundo. Ang dami-dami nating dirty tricks upang makalamang sa iba. Bakit sa Singapore di naman uso ang sumingit sa linya. Kahit saan maayos naman silang pumipila, sa bus stop, sa mga sinehan, pero sa Pilipinas... hay naku... kahit may pinag-aralan minsan walang modo.

Upang malibang naman kami, niyaya kong maglaro na lang kami ng word games ng boypren ko. Noong una, bitay o yun bang lokal na bersyon ng "Hangman". Pinalitan namin ng "Bingo" noong huli. Ang patakaran sa laro ay magbigay ng sampong aytem sa bawat kategorya. Halimbawa: "Magbigay ng mga prutas na hindi kahoy". Aba, at least mapapaisip ka... at hindi mo mapapansin ang oras kasi abala ka... may matutunan ka pa. LOL. Eto namang boypren ko, hinahaluan ng biro, kaya tawa kami ng tawa. Minsan pinagtitinginan na nga kami ng ibang mga pumipila kasi kami lang ata ang mukhang masaya. Paano ba naman kasi, nung ang kategorya namin ay "magbigay ng 10 pagkain na nagsisimula sa letrang P maliban sa junkfood, ang isinulat ng boypren ko ay:
  1. pritong manok
  2. pritong itlog
  3. pritong isda
  4. pritong baboy
  5. pritong talong
at kung anu-ano pang prito... Hay talaga, ibang klase din naman ang humor ng boypren ko. Wala na akong magawa kundi tumawa. Seryoso pa naman ako sa laro.

Palakaibigan din naman ang boypren ko. May mga nakausap din siyang mga lalaking aplikante. Yung isa nga, halatang kararating lang dahil basa pa ang buhok, at bigla na lang siyang nasa unahan ng pila. Bumayad daw ito ng P300 para makasingit dun sa isang aplikanteng nakapila sa unahan. Siguro marami silang nagbayad kasi nung papasok na kami, bigla na lang humaba ang aming pila, at nasa ika-250 na kami. Kay naku talaga sa mga Pilipino, kahit anu-anong raket na lang ang pasukin. Nakakainis lang kasi ikaw na matino, nauungasan na, nalalamangan pa. Naisip kaya nila ang pakiramdam nang sila naman ang naloko?

Bakit ba kahit saan ganito ang sitwasyon?

Talamak din ang korapsyon. Kung kailangan mong asukasihon ang mga dokumento dapat mag bigay ka ng lagay o pera depende sa hiningi nila. Isang halimbawa, sa aming bayan, kung mag-aaplay ka ng posisyon sa DepEd bilang guro, kailangan mong magbigay ng di bababa sa P60, 000 sa kinauukulan (sa supirentendent o kung sino man) para ipasok ka nila. Kahit saang ahensiya, ganito pa rin. Nakakaloka. Pero hindi ko naman sinasabing lahat ay ganito. Kahit paano may mga mabubuting budhi naman sa gobyerno. Salamat din kahit papano mayroon pa namang matitino. Sana dumami ang lahi nila at sana magbago na ang mga opisyal na garapalang nanghuhuthot ng pera.

Nakakainis talaga, lalo na kung apektado ka. Siguro, bale wala lang kung hindi ka naman gaanong naaapektohan. Kung hindi nga lang ako nasasayangan sa P1,000 na dagdag na halaga upang ipaproseso sa mga travel agency ang aking passport, e di na ako pumila. Hay naku talaga.

Sana isang araw, magising naman akong wala na ang mga problemang ito sa Pilipinas. Pipila pa naman ako uli kasi di tinanggap ang mga supporting documents na dala ko. Babalik na naman ako, ngunit mag-isa na lang ako. Siguro, kailangan ko nang tanggapin na ganito talaga mamuhay sa Pilipinas. Saan ba makakabili ng pasensiya, bibili ako bultuhan. Naubos kasi nung minsang pumila ako sa DFA. Kailangan kong makabili bago ako bumalik doon.

Edit:

Nakakuha na ako ng passport. Bumalik ako noong Martes, alas 8:30 na ako dumating, naasikaso naman ako kaagad, natapos ko ang proseso sa loob ng dalawang oras. Nakalabas na ako ng opisina ng 10:30.

Ang moral lesson ay: huwag pumunta ng Biyernes kasi maraming tao.

Ang problema hindi ko yata magagamit ang passport kasi wala naman akong balak magtrabaho sa ibang bansa. Pero malay natin, nakapagbakasyon ako kahit sa Hongkong, Singapore o Malaysia lang. Afford naman yata kung pag-iipunan, di ba?

To English readers: Once in a while I write in Filipino because I talk about touchy aspects of our culture. It's just right to use our own language to talk to my own people.

18 comment(s):

Chubskulit Rose said...

hahahhaha... dami ko experiences an ganyan bago ako nakaalis.. Ang nakakainis di nila iniinda kahit buntis yung inuunahan nila... Napakaemtional pa naman ng buntis kaya talagang umiiyak ako nun sa pagod at inis. pag nililingon ko pinagdaanan ko noon, natatawa na lang ako... NOYPI talaga alang pagbabago!

faye said...

PEACH,, DUMAAN NA DIN AKO SA GANYAN FEEL NA FEEL KO BASAHIN ITO PARA AKONG BUMALIK SA NAKARAAN; ANYWAY MAG TIYAGA NA LANG TAYO;;ANG HIRAP TALAGA NA HARAP HARAPAN NA ANG KURAPSYON AT IBA IBANG DAMING PROBLEMA SA ATIN:PANU NA KAYA ANG FUTURE PINOY!

Nancy Janiola said...

Hi Pchi..thanks for dropping by..kelan ka nandun sa DFA kasi I was there too last week, baka nagkasabay tayo sa pilahan. Minabuti kong sa Davao mag process ng passport kasi mas talamak yata ang bayaran dito sa cebu..altho kahit saan naman yata meron...

I'm sorry to hear na hindi mo na process and sa'yo. Yung akin natapos naman kaya lang sana wala ng problema pagdating sa approval sa manila office. I'm awaiting and hoping to have it delivered na by next week.

Tip nga pala..pagbalik mo next time sa DFA, dun ka sa harapan sa mismong pintuan mag-abang para mauna kang mabigyan ng priority number...Goodluck sayo!

fren_ace said...

ang ganda naman ng blog mo,

Marilou / Lucky Cow Shop said...

i would be back to read this... medyo mahaba kaya pass muna ako. 4 days na akong wala masyadong tulog dahil sa baby ko eh

be back

Anonymous said...

*hays* sobrang talino ng PINOY! kung ano ano nlng raket para kumita. 'yong mga pumipila doon kaya humaba ang pila .. hindi naman applicant pero pumila at binebenta nlng nila pwesto sa line. I my posting " I hate it every time I hear people taking certain courses in college simply because “they want to go abroad”. Sadly, I can’t blame these people dahil naman sa buhay sa pinas. " nakapunta ako sa ibang bansa, Singapore, HK, Dubai, RUH, pero mas matindi ang pinoy ng raket! PINOY WALANG talagang KATULAD!.

Eila said...

di ko mapigilang mag-react sa mga issues na ito..naranasan ko rin ang ganyan, mas malala dahil DFA Manila, yung pinuntahan ko. Di pa man ako nakakarating sa entrance nila, fixer na kaagad sumabubong saken....pati sa ibang ahensya ng gobyerno, dami rin akong issues....hay.....ang pinoy, kakaiba talaga!

galing nitong blog mo, keep it up!

Anonymous said...

hay naku! at isa pang hay naku!

kaya nga yung husband ko nag-online renewal na lang ng passport nya sa 2go. okay lang kahit medyo mahal kesa naman masayang ang isang araw nya.

JGG said...

Ang ibang pumila, kailangang kailangan na talaga nila ang passport. Tapos merong dumagdag na di gaanong kailangan, ayun lalong tumaas ang pila. LOL. Sabagay, kailangan man o hindi, karapatan nating lahat bilang mamamayang Filipino na kumuha ng ano mang dokumento.

Tama ka rin naman sa simabi mo na medyo kinulang tayo sa disiplina pero hindi lang tayo ang ganoon. Kalat yan sa mundo. At saka, hindi lang tayo ang bansang maraming problema. Maganda lang siguro ang nabasa at napanuod natin tungkol sa ibang bansa kaya tingin natin sa kanila, mabuti ang kalgayan nila doon.

Totoo ba ang lagayan sa DepEd? Kawawa naman kung ganoon. Pero gusto ko lang sabihin, hindi lahat tumatanggap ng lagay. Dati akong guro. At alam ko, meron ding lagayan sa mass media.Pero hindi lahat ng reporter tumatanggap. Naranasan ko ring maging reporter, sandali nga lang. Nangyayari ang lahat ng ito dahil karamihan ay hinahayaan ang pandaraya. It all starts with cheating in classrooms. Haven't anyone cheat once in his life? If someone says no, he probably cheats!LOL

Ambot lang!

PS: Great blog!

pchi said...

@chubskulit (ate rose)

malungkot naman ako sa naging karanasan mo ate rose

buti na lang natatawa ka na lang ngayon pagnaaalala mo ang mga pangyayari

pchi said...

@ate_faye

oo nga ate faye... wala din naman tayong magagawa kundi ang magtiis at magtiyaga

pchi said...

@Nancy

salamat sa tip...

ok na naman... nakakuha na ako... medyo katangahan nga lang din yun kaya hindi tinanggap yung kabuuan ng mga papeles ko

ok naman pala pag martes pumunta sa DFA... huwag lang talaga Biyerner kasi malimit na mahaba talaga ang pila

pchi said...

@fren_ace

salamat sa pagbisita mo kapatid

pchi said...

@Berryblitz

ok lang po... una po dapat talaga ang pamilya

ikamusta mo na lang ako sa kyut na kyut mong baby

pchi said...

@Louie

totoo hindi naman natin sila masisisi sa kanilang desisyon na kumuha ng mga kursong sa tingin nila ay angkop para sila makapagpangibangbayan

kung iisipin din naman natin ang sitwasyon, mas maginhawa talaga siguro ang buhay sa ibang lugar

at tungkol sa mga pumipila para ibenta ang kanilang pwesto, nasaksihan ko yan

hayaan na natin silang mabuhay...
baka yun na lang ang pag-asa nila upang makakain

mas mabuti na rin yon kahit papano kaysa sa magnakaw, di ba?

pchi said...

@EilaTalks

ay oo talaga, kahit saan llaganap ang katiwalian

naiisip ko din ang mga pinagdaanan mo, kaya nga ayaw kong manirahan sa Maynila kahit na mas maraming trabaho ang pwede kong pasukan doon

pchi said...

@lei

hehe.. naisip ko din po yun, kaya lang nanghihinayang ako sa pera

lol

sabi ng boypren ko sa susunod ganyan na din ang gagawin namin kesa mainis kami

pchi said...

@batang buotan

oo sa amin, totoo ang lagayan sa Deped... nakakapanlumo at nakakalungkot pero totoo

kahit saan na man halos

kahit nga mga ordinaryong kawani di ba, nagdadala ng mga papel, bolpen at kung anu-ano pa galing sa opisina ng gobyerno para sa pansariling gamit

at naku, kung babanggitin ko pa lahat... ewan ko na lang

Blog Directories