Matagal nang panahon na nakalubog ang
Pilipinas sa utang, di mabayad-mabayang utang sa world bank. Marami sa ating mga kababayan, tapos man sa pag-aaral, di naman makahanap ng disenteng trabaho sa bansa. Kaya nagbabaka-sakali sila sa ibang bayan. Marami namang sinuwerte, naku... at marami din po ang sinawing palad. Nakakalungkot nga isipin na marami sa ating mga kakabayan kailangan pang manilbihan sa ibang bansa para mabuhay ang kanilang mga pamilya. Mapait nga lang kasi malayo at malungkot ang mamuhay ng mag-isa. Kung minsan pa nga,
ang pamilyang pilit na tinataguyod ay nasisira pa. Kung sabagay, mas maswerte pa naman sila kaysa sa mga kapus-palad naming mga kababayang hindi na nga nakakapag-aral, gutom, walang laman ang sikmura, o kaya'y palaboy laboy lang sa lansangan dahil sa walang matinong tirahan.
Napansin mo ba ang mga ito sa iyong kapaligiran, o sadyang nagpakabulag-bulagan ka dahil hindi ka naman apektado. Oo nga naman,
mariwasa ang buhay mo kaysa higit na mga Pilipino, may koneksyon ka pa nga ng internet. Magkano ba ang bayad mo niyan buwan-buwan? Yung akin, di bababa sa isang libo't dalawang daang piso... (masakit nga sa bulsa eh, di naman kasi kami mayaman, pero kailangan naman). Malamang nakapag-aral ka rin sapagkat nababasa mo itong mga walang kakwenta-kwentang sinasabi ko.
Maswerte ka! Oo, maswerte ka. Ngunit kontento ka ba? Hindi. Ako rin naman. Gusto ko ng mas magandang buhay, marangya kung maaari. Gusto kong makabili ng sariling kotse para mas masaya (mahal na pala ang gaas ngayon no, bisikleta na lang), may bahay at lupa at masayang pamilya, may magandang trabaho at kumikita ng malaki.
Tila nakakalimutan natin ang mga tao sa paligid natin. Basta ba masaya tayo eh, ano nga ba ang pakialam natin sa kanila, buhay nila yan. Malamang nagpabaya sila kaya sila nagkakaganyan. Marahil tama ka nga, pero isipin mo,
kung ikaw kaya ang nasa kalagayan nila, ano kaya? Problema na ng gobyerno yan, iniisip ko ang maaari mo sabihin. E pano ba naman kasi, mahirap na nga sa daga si Juan dela Cruz,
kinakwartahan pa ng mga balasubas na pulitiko. Yung buwis na dapat para sa taong bayan, napupunta sa dati namang mayayaman na nilang mga bulsa. Pero ako ha, naniniwala ako sa karma. Ang sabi pa nga, aanihin mo ang iyong tinanim. Ang lahat ng mga kabulastugan mo balang araw ay babalik din sa iyo. Kaya, nakakainis mang isipin parang wala na nga tayong magagawa laban sa mga abusadong mga nakaupo diyan. Subalit naniniwala din naman ako na may mga taong tapat sa tungkulin, wag naman nating lahatin... Yung nga lang, ang hirap paghiwalayin ang itim sa puti, at yung mga abo.
Kahit nga sa mga baranggay may korapsyon ng nagaganap. Ultimo mga opisyalis ng Sangguniang Kabataan marunong nang mandugas. At
hindi barya-barya ang sinasabi ko, libu-libong pera! Paano na kaya yung mas malawak ang kapangyarihan? E di mas malaki ang kupit nila doon. Hay naman.
Kailan pa uunlad ang Pilipinas kung walang humpay ang nakawan sa kaban ng bayan!Ngayon ang mga ordinaryong mamamayang tulad ko ay nahihirapan na sa taas ng mga pangunahing bilihin: bigas, gatas, mantika, asukal, flour at kung anu-ano pa.
Ano na lang ba ang hindi tumataas, e di ba ang halaga ng piso na lang? Buti tayo may trabaho, kahit paano mairaraos natin kahit hirap na hirap tayo sa pagbabadyet. Paano na kaya yung mga kapwa natin Pilipinong wala man lang tirahan, walang damit, walang pagkain? Ano na ang mangyayari sa kanila?
Kamakailan lang, lumabas ang resulta ng surbey hinggil sa pinakamasayang bansa sa mundo. Marami sa mga bansa sa Asya lumagpak. Ang bansang Japan, mayaman na nga nasa ika-90 pwesto naman. Ang Pilipinas, di ko mawari kung saang pwesto. Ang mga nilathala lang kasi yung mga nanalo at bumagsak. Gusto mong malaman kung anu-anong bansa ang mga nanalo?
Tingnan mo ito. Sa tingin ko, masayahin naman tayong mga Pilipino bilang isang lahi. Mahilig tayong kumanta at marami tayong paraan upang maibsan ang ating mga problema. Palakaibigan naman tayo kaya marami tayong mapaghihingahan ng sama ng loob.
Ngunit balik tayo sa tanong ko :
Paano ka nga ba makatutulong sa iyong bayan, Pilipino? Sapat na bang magpadala ka ng salapi buwan-buwan mula sa sahod mo sa pagtatrabaho mo sa ibang bayan? O ang pagtulong sa mga charity works ng mga foundations?
Ako ay simpleng tao. Hindi mayaman, hindi din naman mahirap. Pero ako man ay iisa lamang, sa tingin ko mayroon naman akong magagawa kahit paano sa ating bansa at mga kababayan. Eto ang ilan sa aking mga mungkahi. Mas mabuti kung makadaragdag ka ng iyong opinyon.
Ikaw, ako, kung marami tayo, magkakaroon ng pagbabago!Uy, ang haba na pala. Pasensiya ka na. Hindi ko na itutuloy, baka abutan tayo ng apat-napu't walong taon. Nadala kasi ako ng aking damdamin. Kung umabot ka hanggang dito, saludo na ako sa iyo.
. Bukas naman ang aking pananaw. Maaari mong tuligsain o sang-ayunan ang aking mga sinabi. Kahit ano, huwag ka lang manahimik.